Monday, December 20, 2010
Happy Ending
Parte na marahil ng buhay ang makasakit' masaktan. Sabi pa nga nila mas matindi ang tama kapag malapit sa puso mo ang siyang dahilan; Mas mahirap tanggapin ang nagawang kasalanan maski malimutan ang sakit na nauuwi sa matinding pighati.
Minsan nang nasubok ang puso sa ganitong kawalan sa kauna- unahan, wari'y isang baguhan at ang mga pangyayari'y hindi maintindihan. Ang tanging alam ay kailangan kong ilabas ang unang luha sa pag-ibig na di ko inaasahang mauuwi sa pighati. Bagamat, ang katumbas ng luha wari'y mula noong ako'y sanggol pa lamang.
Akala ko noon, wala lamang at di naman talaga kailangan lumuha sa mga panahong naiiwan ka ng iyong minamahal. Naghahanap lamang ng karamay at pansin ang taong lumuluha na kadalasa'y nauuwi lamang sa pagkaawa. Kaya naman ako'y tila tinamaan ng bato at nasigawang, "Ngayon alam mo na?!" noong ako na mismo ang bida sa kwento nitong yugto ng buhay.
Maraming beses pang naulit ang ganitong pagsubok. Tila pagsusulit sa eskwelahan na kailangan saguta't ipasa kung hindi bagsak ka... ikaw ang kawawa... baka pagtawanan ka pa. Kung nagkakaroon nga marahil ng kalyo ang puso, marahil puno na ito't makapal na dahil sa walang ulit na pagsalang nito sa iba't ibang pagsubok. Ngunit sa dami-dami mang ulit na makasakit' masaktan, iisa lamang ang dapat kahantungan: ang matuto at magpatawad.
Sabi nila kapag ikaw ay natutong magpatawad at maski humingi nito, tinapos mo na rin at pinagaan ang kalooban mong bigat na sa dinadala.
Gaano man kahirap, yun ang nararapat. Gaano man kalalim ang sugat, saa't ano pa man mauuwi din ito sa kapatawaran. Tamang panahon at lugar lamang ang dapat hintayin at kapag ito ay dumating, lakas at kabukalang loob ay nararapat din.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment